-- Advertisements --

Makakahinga na ng maluwag ang milyon-milyong manggagawang Pilipino na nawalan ng trabaho dahil sa coronavirus pandemic.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang tulong na kanilang matatanggap ay mula sa karagdagang budget na inilaan sa assistance programs sa ilalim ng Bayanihan 2.

Mabibigyan ng cash assistance ang nasa isang milyong informal workers, 700,000 formal workers at 200,000 overseas Filipino workers (OFWs).

Lalo na ang mga empleyado na nag-apply noong na hindi naabutan ng tulong dahil naubusan daw sila ng budget.

Sa pamamagitan naman ng emergency employment program o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ay matatanggap ng nasa isang milyong informal workers ang tulong pinansyal.

Habang ang 700,000 formal sector workers naman ay makukuha ang kanilang cash assistance sa ilalim ng COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP), isang one-time financial support kung saan makakatanggap ang mga empleyado mula sa private establishments ng P5,000.

Ang mmga OFWs naman ay tutulungan sa pamamagitan ng Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP) program na magbibigay ng P10,000 cash aid sa mga qualified OFWS na naapektuhan din ng health crisis.