-- Advertisements --

Karamihan sa 2 million doses ng bakuna ng AstraZeneca na dumating sa Pilipinas kahapon mula sa donasyon ng COVAX facility ay ilalaan para sa second shot ng mga naturukan na ng first dose noong Mayo at Hunyo.

Ayon ito mismo kay National Task Force against COVID-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr.

Sinabi rin ni Galvez na 500,000 doses naman ang ipapadala sa iba’t ibang rehiyon na mayroong malaking populasyon na pasok sa A2 at A3 priority groups.

Ang vaccine supply mula sa COVAX facility ay gagamitin sa mga healthcare workers at kanilang pamilya (A1), senior citizens (A2), at persons with comorbidities (A3).

Hanggang noong Hulyo 8, aabot pa lang sa 861,560 ng senior citizens sa bansa na may kabuuang bilang na 8,274,961 ang fully vaccinated na; habang 2,632,861 naman ang mayroong partial protection o iyong mga nabakunahan pa lang ng first dose.

Samantala, 3,184,933 sa 7,085,183 indibidwal na pasok sa ilalim ng A3 priority group ang nabakunahan na ng first dose; habang 1,039,710 naman ang fully vaccinated.

Iginiit ni World Health Organization (WHO) representative to the Philippines Dr. Rabindra Abeyasinghe ang kahalagahan nang pagbabakuna sa mga indibidwal na pasok sa ilaim ng A2 at A3 group.

Sa kabilang dako, ipinapangako naman ng Galvez ang latest AstraZeneca shipment sa mga lugar na hindi pa nababakunahan ng first dose ang kanilang A2 at A3 priority sectors.