Kumbensido si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate na girian sa House speakership post ay may kaugnayan sa kung sino ang nagnanais na magkaroon ng kontrol sa iba’t ibang resources, kabilang na ang national budget.
Bagama’t namagitan na kasi si Pangulong Rodrigo Duterte para ayusin ang girian sa term-sharing agreement sa pagitan nina Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ay hindi pa rin natitigil ang “war of dominance” sa iba’t ibang paksyon at bloc sa majority coalition sa mababang kapulungan.
Naniniwala si Zarate na may kaugnayan din ito sa 2022 national elections dahil ang nakaupong House Speaker ay may-control sa budget lalo na sa naturang halalan.
“More than the battle of personalities, more than the battle of whether to comply with a term-sharing agreement, ang nakikita rin po natin dito ay banggaan ito sa control ng resources, ‘di lang dito sa House of Representatives kundi ang buong budget na nakasalalay ngayon at pinagdedebatehan dito sa Kongreso,” ani Zarate.
Mababatid na nitong Setyembre 30 ay inalok ni Cayetano ang kanyang pagbaba sa puwesto sa gitna ng umiinit na issue sa term-sharing agreement nila ni Velasco.
Pero kaagad namang tinanggihan ito ng mga kongresista sa nominal voting na isinagawa.