Naitala ng Zamboanga Peninsula Region ang pinakamataas na retail price ng bigas nitong buwan ng Agosto, kumpara sa iba pang rehiyon sa buong Pilipinas.
Batay sa resulta ng pag-aaral ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot sa P54.24 ang kada kilong presyo ng regular na bigas sa naturang rehiyon.
Maalalang ang buwan ng Agosto ang pinakahuling buwan ngayong taon kung saan may sariling dikta ang mga retailers sa presyo ng mga panindang bigas lalo na sa well-milled at regular milled rice.
Pagpasok kasi ng Setyembre ay ipinatupad na ang price cap sa bigas matapos ilabas ni PBBM ang isang Executive Order na nag-aatas dito.
Batay pa sa resulta ng pag-aaral ng PSA, ang Western Visayas(Region-6) ang nakapagtala ng pinakamababang presyo sa kada kilo ng bigas na umabot lamang sa P45.84.
Sa ngayon, hindi pa inilalabas ng PSA ang pag-aaral nito sa presyuhan ng bigas sa buong bansa para sa buwan ng Setyembre kung saan ipinatupad ang price cap.