ZAMBOANGA CITY – Mismong si Zamboanga City Mayor Beng Climaco ang nag-anunsyo na may naitala ng unang kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa kanilang rehiyon.

Ang pasyente ay 29-anyos na lalaki na nakaranas ng mild o hindi malubhang sintomas ng virus bagama’t ito ay nilagnat na may kasamang panginginig.

Ayon kay City Health officer Dr. Dulce Miravite, nagiging maayos na ang kondisyon nito at isinisagawa na nila ang mga protocol kung saan inabisuhan ang pamilya ng pasyente upang sundin ang mga pag-iingat.

Ang pasyente ay nakatira sa Barangay Sinunuc kaya naman nagpatupad na roon ng community quarantine upang makonrol ang pagkalat ng virus.

Isinasagawa na rin ng mga otoridad ang contact tracing kaya pinaalahanan muli ang publiko na manatili sa kani-kanilang tahanan.