-- Advertisements --

Inihayag ni AFP Col. Manaros Boransing II na maituturing na ‘successful’ ang pangkalahatang programa ng Youth Leadership Summit (YLS) na inilunsad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) mahigit dalawang dekada na ang nakararaan.

Iginiit ni Col. Boransing na naagapan ng programa ang recruitment ng mga kabataan sa mga radikal na grupo, gayundin ang pagprotekta sa kanila laban sa misinformation.

Nagsimula ang programang ito noong dekada 1980 na may layuning hubugin ang kabataan upang maging responsable, aktibo, at kapaki-pakinabang na mamamayan sa kanilang mga komunidad.

Sa kasalukuyan, ipinatutupad ang mga aktibidad ng naturang programa sa tulong ng humigit-kumulang 5,000 personnel mula sa kanilang yunit, kasama ang Civil-Military Operations at Intelligence teams ng militar.

Subalit, kwinestiyon ito ni Atty. Reynaldo Robles mula sa prosecution. Aniya, kung talagang matagumpay ang programa, ano ang nangyari noong 2023 at kinailangan pa nilang gumamit ng confidential funds mula sa Department of Education (DepEd)?

Nauna nang itinanggi ni Col. Boransing ang alegasyong nakatanggap ang kanilang yunit ng pondo mula sa confidential funds ng Department of Education (DepEd) at Office of the Vice President (OVP) na parehong pinamunuan ni Vice President Sara Duterte.

Kaugnay ito ng diumano’y kwestiyonableng 15 milyon mahigit na confidential funds ng DepEd na inilaan sa naturang programa.