-- Advertisements --

Mariing tinutulan ng youth group na Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK) ang ipinatutupad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na “Safer Cities Initiative” sa Metro Manila.

Ayon kay Milo Basuel, tagapagsalita ng grupo, nagbubukas ito ng pinto para sa posibleng pang-aabuso ng kapangyarihan at paglabag sa karapatang pantao ng mga law enforcers.

Binanggit ng SPARK na may malinaw na track record ang Philippine National Police (PNP) sa maling paggamit ng batas, at lalo lamang umano silang mabibigyan ng lakas para i-profile at i-harass ang mga kabataan na tinutukoy ni Secretary Jonvic Remulla bilang “geng-geng.”

Kritikal din ang grupo sa rason ng kalihim sa pagpapatupad ng 10PM curfew para sa mga menor de edad, na anila’y arbitraryong pumipigil sa karapatan ng kabataan na bumiyahe o magsagawa ng lehitimong aktibidad.

Dagdag pa ng SPARK, hindi lahat ng kabataan ay may ID na agad na maipapakita sa mga pulis o barangay tanod, lalo na kung sila ay out-of-school youth, unemployed, o nagtatrabaho sa informal sector gaya ng helpers, errand boys, at vendors.

Hamon ng SPARK kay Secretary Remulla na magpakita muna ng konkretong ebidensya at masusing pag-aaral na nagpapatunay na epektibo ang juvenile curfews sa pagbawas ng krimen sa Metro Manila.

Kung wala, anila, ang mga ganitong “initiatives” ay shotgun approach lamang na naglilimita sa constitutional freedom ng kabataan.

Nagbabala rin ang grupo laban sa iba pang polisiya sa ilalim ng “Safer Cities Initiative” na maaaring magdulot ng panganib sa kabataan at ordinaryong mamamayan, lalo na’t may kasaysayan na ng pang-aabuso ng PNP noong COVID-19 lockdown.

Matatandaang dati nang lumaban ang SPARK sa mga curfew ordinances para sa minors, nang magsampa sila ng kaso laban sa overreaching curfew policies noong 2017 sa ilalim ng administrasyong Duterte.