Mariing kinondena ng “Young Guns” ng Kamara de Representantes ang banta ni Vice President Sara Duterte na hukayin ang labi ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. at itapon ito sa West Philippine Sea kung hindi titigilan ang pagbanat sa kanya.
“Bastos at desperada,” ganito inilarawan nina House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong (Lanao del Sur, 1st District) at 1-Rider Partylist Rep. Rodge Gutierrez, si VP Duterte kaugnay ng kanyang mga binitiwang pahayag.
Naniniwala naman ang dalawa na gumagawa lamang ng eksena si Duterte para malinis ang atensyon ng publiko mula sa mga nadiskubreng iregularidad ng Kamara sa ginawa nitong paggamit ng confidential funds.
Sinabi ni Adiong na ang pahayag ni VP Duterte ang bagong pinakamababang pampublikong diskurso at isang direktang pag-atake sa cultural values ng mga Pilipino.
“This isn’t just political banter—it’s a blatant act of desecration. In our culture, we honor the dead. To use them as pawns in a political game is disgusting. Vice President Duterte should focus on addressing the misuse of public funds instead of resorting to such disgraceful tactics,” pahayag ni Adiong.
Para naman kay Gutierrez ang mga pahayag ni Duterte ay pagpapakita ng pagiging desperado nito.
“This is pure desperation. Instead of facing the allegations head-on, VP Duterte resorts to vile threats. It’s a clear attempt to divert attention, but no amount of disrespect will cover up her mismanagement,” pahayag ni Gutierrez.
Ang pagtuligsa ng mga mambabatas ay kasunod ng pahayag ni Duterte na kanyang sinabi kay Sen. Imee Marcos na kanyang huhukayin ang labi ni Marcos Sr. at itatapon ito sa West Philippine Sea.
Nagpatawag ng press conference si VP Duterte isang araw matapos na imbestigahan ng House committee on good government and public accountability ang ginawang paggastos sa confidential fund ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd), na dating pinamumunuan ng ikalawang Pangulo.
Tinutuligsa si VP Duterte sa hindi nito pagdalo sa mga pagdinig ng Kamara upang ipaliwanag ang ginawa nitong paggastos ng pondo.