-- Advertisements --

Nagpaabot ng pakikiisa ang Malacañang sa paggunita ng ika-anim na anibersaryo ng napakalakas na Bagyong Yolanda sa Visayas lalo sa bahagi ng Leyte at Samar.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, kinikilala muli ng Office of the President (OP) ang sakripisyo at kabayanihan ng mga frontline agencies, gayundin ng iba’t-ibang organisasyon, mga volunteers at mga hindi kababayang rumesponde na tumulong sa gitna ng isa sa pinakamatinding trahedyang nanalasa sa bansa.

Ayon kay Sec. Panelo, binibigyang pugay din nila ang katatagan ng mga Pilipino na kahit sa gitna ng pagsubok ay nanatiling matibay at pinili ang pagsulong.

Sa nangyaring sakuna sa “Yolanda,” maraming leksyon aniya ang natutunan lalo ng mga nasa burukrasya o nasa gobyerno na inaasahang magbibigay ng agarang pagtugon at pagtulong.

Inihayag ni Sec. Panelo na kinikilala ng OP na mistulang normal na ang “natural hazard” sa 21st century kaya batid nila ang kahalagahan ng patuloy na pagtitiyak ng isang ligtas, “adaptive” at matatag na mga komunidad at ito aniya ang responsibilidad ng bawat isa.

“Once again, we honor the sacrifices of those in the frontline agencies of the government, the different organizations, the many volunteers, and the unnamed and anonymous Juan de la Cruz, who responded during one of the most difficult times our country faced. We laud the exemplary resilience of our own people, which in the face of a great adversity, have remained steadfast and have moved forward,” ani Sec. Panelo. “Yolanda has likewise taught us, especially those in the bureaucracy, a hard lesson in public service. Tapang and malasakit became buzzwords from a people weary of government apathy.”