Umapela nang pagkakaisa si House Committee on Appropriations chairman Eric Yap sa kanyang mga kapwa mambabatas sa gitna ng pagdinig sa P4.5-trillion proposed 2021 national budget.
Ginawa ni Yap ang naturang pahayag kasunod nang bangayan nina Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves at Deputy Speaker for Finance Lray Villafuerte hinggil sa hindi panta-pantay na infrastructure funds ng mga distrito sa ilalim ng panukalang pambansang pondo sa susunod na taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Yap na hindi magandang nakikita ng publiko na nagpapatutsadahan silang mga kongresista habang tinatalakay ang 2021 proposed budget.
Kaugnay nito, sinabi ni Yap na dati pa man ay talagang hindi na pantay-pantay ang alokasyon ng bawat distrito pagdating sa mga infrastructure projects.
Sa kabilang dako, nilinaw ni Yap na walang balak si Deputy Speaker Paolo Duterte na magsagawa ng coup d’etat sa liderato ng Kamara matapos madawit ang kanyang pangalan sa bangayan nina Teves at Villafuerte.
Pero sakali man aniya na magkatotoo ito, sinabi ni Yap na ang kanyang suporta ay para kay Speaker Alan Peter Cayetano.
Kahapon, naglabas ng statement si Duterte kung saan kinumpirma nito ang Viber message na ipinadala sa mga kapwa mambabatas hinggil sa kanyang utos sa Mindanao Bloc na ideklarang bakante ang pwesto ng Speaker at Deputy Speakers ngayong araw.
Pero paglilinaw ng kongresista, ang kanyang ipinadalang mensahe ay pagpapahayag lamang ng kanyang pagkadismaya sa nangyayaring banggaan dahil sa isyu sa infrastructure projects kung saan ilang mambabatas na rin ang kumausap sa kanya tungkol dito.