-- Advertisements --

Ayaw pumili ni House Appropriations Committee chairman Eric Yap sa kung sino kina Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang kanyang susuportahan.

Sa isang panayam, sinabi ni Yap na siya ay nananatiling “neutral” sa issue sa speakership post upang sa gayon ay makapag-focus siya sa deliberasyon sa proposed 2021 national budget.

Isa si Yap sa siyam na kongresistang nag-abstain sa botohan sa plenaryo ng Kamara kahapon hinggil sa kung tatanggapin o ibabasura ang alok ni Cayetano na resignation bilang lider ng Kamara.

Bilang chairman ng House Committee on Appropriations, sinabi ni Yap na sa tingin niya ang pinakatamang gawin ay huwag makisali sa gulo sa speakership post.

“Kung ako makikisali, kawawa ang taumbayan. Walang mag-aalaga, walang tututok sa budget ng ating bansa,” ani Yap.

“I have to stand up for our people. I have to be neutral. I have to do what I have to do because this is the budget season, and bilang appropriations chair, malaki yung responsibility na nakaatang sa akin,” dagdag pa nito.