-- Advertisements --

Pinuri ni Bicol Saro Party List Representative Brian Raymund Yamsuan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa pagtuturo nito ng leksiyon sa mga smuggler matapos ipamahagi ang mga smuggled stock na bigas sa mga mahihirap na pamilya sa Zamboanga City.

Sinabi ni Cong. Yamsuan ang ginawa ng Pangulo ay pagpapadala ng malakas na mensahe sa mga smuggler at hoarder na wala silang mapapala sa kanilang hindi patas na mga gawain sa kalakalan, habang kasabay nito, ang pagbibigay ng tulong sa mga mahihirap na sambahayan na higit na nagdusa mula sa mga ilegal na gawaing ito.

Ayon sa mambabatas ang hakbang ng Pangulong Marcos Jr, ay naglalayon din na protektahan ang maliliit na magsasaka na Pilipino mula sa hindi patas na kumpetisyon dahil ang mga smuggled na bigas na bumabaha sa merkado ay karaniwang humihila pababa sa mga presyo ng kanilang ani.

Sabi ni Yamsuan, binigyan ng Pangulo ang mga smuggler at hoarder ng mapait, mamahaling aral kung saan mas masasaktan sila partikular ang kanilang mga bulsa.

Ang mga nasamsam na stock ng bigas ay nangangahulugan na ang puhunan ng mga smuggler at hoarder ay hindi na mababawi.

” Ang smuggled rice na naisaing na, hindi na kayang bawiin. Lugi ang mga smugglers, pero panalo naman ang magsasaka at mahihirap nating mga kababayan,” pahayag ni Yamsuan.

Nasa 4,000 sako ng smuggled rice ang ipinamahagi ng Pang. Marcos sa mga beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Zamboanga Sibugay at Zamboanga del Norte nuong Martes.

Ang ipinamahaging bigas sa mga 4Ps ay bahagi ng 42,180 smuggled sacks of rice na nagkakahalaga ng P42 million na nakumpiska ng Bureau of Customes sa isang warehouse sa Barangay San Jose Gusu sa Zamboanga City.

Habang nasa Zamboanga ang Pangulo, pinangunahan din nito ang pamamahagi ng P120 milyong halaga ng tulong sa ilalim ng “Tulong Panghanapbuhay sa mga Disadvantages/Displaced Workers” ng Department of Labor and Employment (DOLE); P530,000 halaga ng DOLE livelihood assistance; at mga sertipiko ng tulong mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources. (BFAR).