-- Advertisements --

Isinusulong ni Parañaque Rep. Brian Raymund Yamsuan ang panukalang batas na magpapataw ng hanggang 15 taong pagkakakulong sa mga sangkot sa hoarding, overpricing at iba pang ilegal na gawain kaugnay ng produktong petrolyo.

Inihain ni Yamsuan ang House Bill No. 8616, na layong protektahan ang mga konsyumer laban sa mga negosyanteng sinasamantala ang krisis sa langis upang kumita nang labis.

Ayon kay Yamsuan, hindi dapat palampasin ang ganitong uri ng kasakiman, lalo na sa panahon ng paghihirap ng mamamayan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. 

Umaasa rin ang Kongresista na agad itong maipapasa ng Kongreso upang magsilbing babala sa mga lumalabag.

Kasunod ito ng pinaigting na operasyon ng Department of Energy (DOE) laban sa fuel hoarding upang maiwasan ang artipisyal na kakulangan ng suplay at pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel.

Sa ilalim ng panukala, itataas ang parusa mula sa kasalukuyang 2 hanggang 5 taong pagkakakulong, patungong 5 hanggang 15 taon, habang ang multa ay tataas mula P20,000–P50,000 sa P50,000–P300,000.

Kabilang sa mga ipinagbabawal na gawain ang illegal trading, adulteration, underfilling, hoarding, overpricing at maling paggamit ng alokasyon ng petrolyo.

Ayon sa ulat, nakatanggap ang DOE ng dose-dosenang reklamo ukol sa sobrang taas ng presyo ng langis, habang ilang gasolinahan naman ang pansamantalang nagsara dahil sa kakulangan ng suplay at may ilang kaso na ring naisampa kaugnay ng mga paglabag.

“Hindi dapat pinapaglagpas ang mga ganitong klaseng kasakiman at pagsasamantala sa dinaranas na krisis ng ating mga kababayan. Our proposed legislation seeks to substantially increase the penalties imposed under the current law owing to the abhorrent nature of these crimes,” pahayag ni Yamsuan.