Nagbukas ng usapin hinggil sa matagal nang kakulangan sa batayang serbisyo sa ilang isla ng Palawan ang pag-iikot ni Senator Erwin Tulfo, na sinasabing kauna-unahang senador na umano’y personal na bumisita sa ilang liblib na bayan sa lalawigan.
Sa isinagawang konsultasyon sa 12 munisipalidad—kabilang ang Aborlan, Narra, Quezon, Kalayaan, Busuanga, Coron, Linapacan, Agutaya, Magsaysay, Cuyo, Roxas, Araceli at Dumaran, lumutang ang matitinding suliranin ng mga residente, partikular sa kakulangan ng ospital, maayos na kalsada, at maging ng mga pantalan.
Ayon kay Tulfo, na kasalukuyang Vice Chairman ng Senate Finance Committee, mahalaga ang direktang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at mamamayan upang matukoy ang tunay na pangangailangan sa mga lugar na hindi naaabot ng sapat na serbisyo ng gobyerno.
Isa sa pinakamabigat na suliraning ibinunyag sa kanyang pagbisita ay ang kakulangan ng mga pantalan sa ilang isla na isa aniyang problemang naglalagay sa panganib sa mga pasyenteng nangangailangan ng agarang gamutan at nagpapahirap sa kabuhayan ng mga residente.
Giit ni Tulfo, ang naturang pag-iikot ay bahagi ng kanyang “grassroots-based policymaking” na pinangangatawanan niya sa Senado, lalo na’t nalalapit ang deliberasyon para sa pambansang badyet ng 2027.
Bukod sa pangakong isusulong ang dagdag na pondo para sa imprastraktura at serbisyong pangkalusugan, nangako rin ang senador ng agarang tulong tulad ng mga programang pangkabuhayan at pagbibigay ng sasakyan para sa operasyon ng mga lokal na pamahalaan.
Bagaman ikinatuwa ng ilang lokal na lider ang pagbisita, nananatiling hamon kung paano maisasakatuparan ang mga ipinangakong proyekto, lalo na sa mga lugar na matagal nang nakararanas ng kakulangan sa serbisyong pampubliko.
Sa kabila nito, malinaw na ang pagbisitang ito ay muling nagbigay-pansin sa kalagayan ng mga pamayanang madalas na napag-iiwanan sa usapin ng kaunlaran at serbisyong panlipunan.
















