-- Advertisements --

Kinumpirma ng testigong si Ramil Madriaga na personal siyang binisita sa kaniyang detention cell si Vice President Sara Duterte nuong October 2025.

Ito’y sa kabila ng pahayag ni VP Sara na wala siyang personal o propesyonal na ugnayan kay Madriaga.

Sa kaniyang sinumpaang salaysay, sinabi ni Madriaga na nakita niya si Duterte habang dinadala siya sa opisina ng jail warden sa Camp Bagong Diwa, Taguig, kung saan ngumiti at kumaway umano ito sa kanya. 

Ayon pa kay Madriaga, nakausap niya si Duterte sa telepono, na nagtanong tungkol sa kanyang kalagayan at umano’y humingi ng paumanhin sa hindi pagtulong sa kanyang kaso.

Inilahad din ni Madriaga na nakaramdam siya ng pagkadismaya, lalo na nang akusahan siya ni Harry Roque na naghain ng kasong kidnapping laban sa kanya bilang ganti sa pagbubunyag umano ng land-grabbing sa Bataan.

Giit ni Madriaga, ang insidente ay patunay na may direktang ugnayan sila ni Duterte, taliwas sa naunang pahayag nito.