-- Advertisements --

Inihayag ng Presidential Communications Office (PCO) na maglulunsad ito ng isang website o online platform kung saan maaaring i-report ng publiko ang kumakalat na fake news sa social media at iba pang digital channels.

Ayon kay Palace Press Officer, USec. Claire Castro, hindi palalampasin ng ahensya ang pagkalat ng maling impormasyon at magsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga mapapatunayang may pananagutan.

Nauna nang inilunsad ng PCO ang “Oplan Kontra Fake News” at Anti-Fake News Desk upang tumanggap ng ulat mula sa publiko. Nakipagtulungan din ang siyam na pangunahing pahayagan upang palakasin ang kampanya laban sa misinformation.

Sinabi naman ni PCO Secretary Dave Gomez na layunin ng inisyatiba na palaganapin ang tamang impormasyon, ibalik ang tiwala ng publiko, at paigtingin ang media literacy.

Samantala, ini-refer na ng PCO sa Department of Justice ang ilang fake news posts para sa imbestigasyon, lalo na ang may kinalaman sa isyu ng enerhiya at maling impormasyon tungkol sa First Family.

Iginiit din ng PCO na walang katotohanan ang mga balita ukol sa kalusugan ng Pangulo at umano’y kawalan ng aksyon ng gobyerno.