-- Advertisements --

Inatasan ng House Committee on Justice na humarap sa pagdinig sa Abril 14 ang abogado ni Vice President Sara Duterte na si Atty Michael Poa kaugnay ng mga reklamong impeachment laban sa pangalawang pangulo.

Layunin ng komite na kunin ang kanyang testimonya hinggil sa mga usaping may kaugnayan sa kanyang panunungkulan bilang Chief of Staff ng Kalihim ng Department of Education mula 2022 hanggang 2023, partikular sa paggamit at liquidation ng confidential funds.

Batay sa subpoena na natanggap noong Martes, inatasan din si Poa na magsumite ng mga dokumentong isinumite ng DepEd sa Commission on Audit kaugnay ng naturang pondo.

Naglabas din ng hiwalay na subpoena ang komite sa National Bureau of Investigation upang isumite ang mga rekord ng kanilang imbestigasyon sa umano’y pagbabanta ni Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Samantala, inimbitahan din ng komite ang direktor ng NBI na si Melvin Matibag upang dumalo sa naturang pagdinig sa Abril 14 bilang bahagi ng patuloy na imbestigasyon. (report by Bombo JAI)