Naniniwala ang isang experto na ang pagbaba ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila ay posibleng indikasyon na matatapos na ang nagpapatuloy na wave ng Covid-19 infections dala ng XBB subvariant.
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David ang wave ng Omicron BA.5 sa Metro Manila ay nagsimula noong Hunyo at mula noon ay nag-peak ang mga kaso at nagkaroon ng panibagong pagtaas covid-19 cases noong Setyembre. Malinaw aniya na ang pagtaas na naobserbahan ay dahil sa XBB.
Ayon pa kay Dr. David patuloy na naobserbaha ng OCTA ang pagbaba sa bilang ng covid-19 cases sa Metro Manila at sa karatig na mga rehiyon sa nagdaang mga linggo.
Umaasa naman si Dr. David na magtutuluy-tuloy na ito hanggang sa Disyembre.
Subalit may mga probinsiya pa rin na nakikitaan ng pagtaas sa positivity rate o porsyento ng nagpopositibo sa covid-19 mula sa mga nasuring indibidwal. Ang mga lugar na ito ay malayo sa NCR gaya ng Tarlac at ilan pang probinsiya sa northern Luzon. Gayundin sa Western Visayas at iba pang parte ng Mindanao kabilang ang Misamis Oriental.
Sa kabila nito, mahigpit na nakamonitor naman ang OCTA sa health care utilization at sa ngayon nananatiling mababa ngayong taon sa NCR at sa maraming mga lugar.
Ayon kay Dr. David ang virus ay parte na rin aniya na pamumuhay at pagbabalik na sa normal dahil nakikita na ang mga kaso sa ngayon ay hindi gaanong banta sa healthcare system ng ating bansa.