Reading Time: 2 minutes

Ibinasura na Korte Suprema ang Writ of Kalikasan petition at Writ of Continuing Mandamus kaugnay ng isyu sa West Philippines Sea.

Ang reklamo ay isinampa ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) at ng 41 mangingisda mula sa Zambales at Palawan.

Sa press briefing, inanunsiyo ni Supreme Court (SC) Spokesman Atty. Brian Hosaka na lahat ng mga mahstrado ang bumoto para ibasura ang naturang petisyon.

Naging basehan ng Korte Suprema ang naging takbo ng oral arguments sa isyu noong July 9, 2019.

Nagprisinta noon ang Office of the Solicitor General na tumatayong abogado ng mga respondents ng affidavits mula sa mga mangingisdang petitioner na hindi nila alam ang nilalaman ng nilagdaan nilang petisyon.

Maliban dito, naging basehan din ng SC sa pagbasura sa kaso ang pag-withdraw o pagbawi ng mga petitioners ng kanilang mga pirma sa petisyon at base na rin sa naging mosyon ng mga respondents na maibasura ang kaso.

Pinaalalahanan nito ang mga partido sa kaso patungkol sa procedural at substantive requirements ng isang petisyon para sa pagpapalabas ng Writ of Kalikasan at Writ of Continuing Mandamus na kinakailangan maisumite sa korte.

Nagbabala rin ang kataas-taasang hukuman sa mga abogado ng mga partido sa kaso na dapat itong maging handa sa mga kinakailangang ebidensiya bago humirit ng ano mang extraordinary writs.

Binigyang diin ng Korte Suprema na dapat ay laging mayroong komunikasyon ang mga abogado sa kanilang kliyente.

Hindi rin dapat gamitin ng mga abogado na dahilan para hindi nila magampanan ang kanilang trabaho na hindi nila ma-contact ang kanilang kliyente.

Sakaling maulit umano ang naturang insidente ay siguradong mananagot ang mga abogado ng mga petitioners.