KORONADAL CITY – Mahaharap sa batas ang mga pinuno at lider ng World Philosophical Forum (WPF) dahil sa pag-uugnay ng pangalan ng UNESCO sa kanilang modus.
Ito ang inihayag ni Ryan Jose Ruiz III, isang biomedical scientist sa World Health Organization sa Geneva, Switzerland sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Ruiz, na alam niya ang ginagawa ng naturang grupo sa ginagawang paghingi ng P520 bilang kapalit ng ATM at P10,000 sa ngalan umano ng UNESCO.
Dagdag nito na kung nakalagay sa kanilang SEC registration bilang isang organisasyon lamang, ay huwag na nilang damayin ang pangalan ng UNESCO sa kanilang website at mga seminars upang makapanloko.
Iginiit din nito na kung may magsusulat ng pormal na reklamo sa United Nations at UNESCO dahil sa ginagawa ng WPF ay sigurado silang mananagot.
Binigyang-diin din nito na kung gagamitin lamang nila ang kahirapan para sa pansariling kapakanan at sa kanilang layunin, hindi ito makakabuti at hindi rin ito magtatagal.