LEGAZPI CITY – Ibinida ng Presidential Task Force on Media Security executive director na si Joel Sy Egco na convicted na ang suspek sa pagpatay sa correspondent ng isang pahayagan.
Kung maaalala, tinadtad ng saksak hanggang sa mapatay ang 66-anyos na biktimang si Celso Amo ng The Philippine Star.
Nangyari ang krimen sa basketball court ng bayan ng Daraga sa Albay noong Nobyembre 2018 kasunod ng mainitang argumento sa suspek.
Napatunayang guilty ang akusadong si Adam Johnson Abanes na hinatulan ng walong taon na pagkakakulong.
Ipinag-utos din ng Legazpi City Regional Trial Court-Branch 6 na bayaran nito ng P100,000 ang naulilang pamilya ng biktima.
Mensahe ni Egco sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kasabay ng World Press Freedom Day, na kahit hindi konektado sa trabaho ang pagkamatay ng ilang media personnel, hindi puwedeng hindi mapanagot sa batas ang may sala.
Samantala batay sa datos ng 2020 Global Immunity Index, mula sa ika-limang puwesto ay bumaba sa ika-pito ang ranggo ng Pilipinas sa mga bansa na may pikamalalang judicial killings sa buong mundo.
Sa ngayon, nasa 51 na ang kabuuang bilang ng media killings sa bansa na naresolba kabilang na ang 31 sa Ampatuan massacre habang nasa 11 na lamang ang hindi pa nareresolba.