-- Advertisements --

Nagpahayag ng suporta ang iba’t ibang bansa sa Ukraine kasabay ng ikalawang anibersaryo ng digmaan nito sa pagitan ng Russia. 

Ayon kay United Kingdom Prime Minister Rishi Sunak, dapat umanong mas palakasin pa ng mga bansa ang kanilang determinasyon sa pakikiisa sa Ukraine. 

Nanawagan naman si Canadian Prime Minister Justin Trudeau sa nasasakupan nito na ipagpatuloy ang suporta sa Ukraine. Hanggang ngayon ay nakikipagtulungan daw ang kanilang pamahalaan sa international partners nito para masiguro ang pangmatagalang seguridad ng mga taga-Ukraine lalong-lalo na ng mga batang dinukot ng Russia. 

Para naman kay French Ambassador to the United States Laurent Bili, ang pagtulong sa Ukraine ay pagtulong din sa kani-kanilang bansa. Binigyang-diin nito na ang oras ay unti-unti nang nauubos kaya ngayon na umano ang tamang panahon upang tulungan ang Ukraine.

Wala naman daw sa isip ng Germany ang pagtigil ng tulong nito sa Ukraine base sa pahayag ni German Foreign Minister Annalena Baerbock. Sinabi pa nito na ang pinakamaganda nilang magagawa kay Russian President Vladimir Putin ay ang matulungan ang Ukraine. 

Ang pag-atake raw kasi ng Russia sa Ukraine ay paglaban din sa peace order ng European countries. Ang ginagawa umano ng Ukraine ay pagtatanggol din sa iba pang mga bansa laban sa banta ng seguridad na dulot ng Russia.