-- Advertisements --

Lalo pang binabaan ng multilateral lender World Bank ang economic growth outlook nila para sa Pilipinas ngayong taon dahil sa nagpapatuloy na recession sa bansa at reimposition ng mahigpit na quarantine measures bunsod ng surge sa COVID-19 cases.

Sa kanilang latest Philippine Economic Update na inilabas ngayong araw, sinabi ng World Bank na ang projection nila sa ekonomiya ng Pilipinas ay lalago ito ng 4.7% lamang.

Mas mababa ito kung ikukumpara sa nauna nilang forecast na 5.5% na nakasaad sa April 2021 East Asia and Pacific Economic Update report.

Ang revised projection na ito ng multilateral lender ay mas mabagal din kung ikukumpara naman sa binawasan nang growth outlook ng economic managers ng Duterte administration na 6% hanggang 7%.

Sinabi ni World Bank economist Kevin Chua na ang downgraded outlook nila ay resulta ng “weaker-than-expected” economic contraction sa first quarter, reimposition ng mahigpit na quarantine measures noong Abril at Mayo, at mga hamon dulot ng mabilis na inflation rate at nawawalang kita ng bawat Pilipino.

Gayunman, inaasahan aniya na makakabangon ang ekonomiya ng bansa, pero ang growth projection nilang ito ay subject pa rin sa mga downside risks.