
Inamin ng National Task Force (NTF) against COVID-19 na workplaces o mga opisina at iba pang establisyemento na may manggagawa ang itinuturing ngayon na “critical areas” ng coronavirus disease infection.
Ayon kay NTF chief implementer Sec. Carlito Galvez, posibleng hindi mahigpit na nasusunod ng mga empleyado ang ipinatutupad minimum health standard protocol ng pamahalaan.
Hindi na lang daw kasi sa mga pampublikong transportasyon nagkakasama-sama ang mga manggagawa, kundi pati na rin sa “common areas” tulad ng canteen.
“‘Yung tinatawag nating mga economic hubs at the same time ‘yung mga tinatawag nating industries, kasi nakita natin mukhang kulang pa ang orientation ng workers pertaining ‘yung public safety at saka minimum health standards,” ani Galvez sa isang press briefing.
Bukod sa mga opisina, nakikita rin daw ng NTF ang high-risk ng impeksyon sa mga matataong lugar kung saan imposibleng masunod ang social distancing.
“Sa pag-iikot natin sa different cities, nakita natin na ang most vulnerable or critical areas are those densely-populated areas especially ‘yung mga poor communities na very vulnerable in terms of hindi sila makapag-social distancing considering that ‘yung family nila nakatira sa medyo maliliit na bahay lamang.”
Paliwanag ng Department of Health, malakas ang hawaan ng COVID-19 sa komunidad sa nakalipas ng mga linggo.
“This means that it is becoming harder to clearly identify who infected our new cases or from which venues they are getting the infection. However, our current data on clustering showed that these infections are mostly coming from the community, such as our households and from interactions and contacts with other residents.”
Sa datos ng DOH ngayong araw, pinaka-maraming bagong kaso ng COVID-19 ang naitala sa National Capital Region, Laguna, Cebu, Cavite at Rizal.
Aabot na sa 119,460 ang kabuuang bilang ng confirmed COVID-19 cases sa Pilipinas. Ang bagong pinakamataas sa Southeast Asia.










