-- Advertisements --

Ipinanawagan ng pamunuan ng Department of Labor and Employment ang pagkakaroon ng work from home set up para sa mga empleyado na maapektuhan ng rehabilitation ng EDSA sa susunod na buwan.

Batay sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority , aabot sa halos 50 malls ang nasa kahabaan ng EDSA na maaaring maapektuhan ng rehabilitasyon.

Ayon kay DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, titiyakin nito na hindi maaapektuhan ang operasyon ng mga negosyo maging ng mga manggagawa.

Nabatid na ang bahagi ng Pasay at Guadalupe ang unang maaapektuhan ng unang wave ng rebuilding program na inaasahang sisimulan sa Hunyo 13.

Paliwanag naman ng Employers Confederation of the Philippines na hindi applicable sa lahat ang pagpapatupad ng alternative work arrangements.

Nanawagan ito na hayaan ang mga kumpanya at empleyado kung ano ang maaaring work arrangement para sa kanila.

Kinakailangan rin aniya ang pagbibigay ng ilang business establishments ng incentives kapag nagpatupad ito ng alternative work setups.