-- Advertisements --

Nanawagan ang World Health Organization (WHO) sa lahat ng gobyerno ng mga bansa na sundin ng mabuti ang lahat ng inilalabas na paalala ng ahensya para puksain ang pagkalat ng COVID-19.

Sinabi ni WHO Director General Tedros Adhanom Ghebreyesus, matagal na umanong pinaghahandaan ng mga bansa ang ganitong senaryo kung kaya’t umaapela na ito nang agarang pagkilos ng mga bansa sa buong mundo.

Nabatid kasi ng ahensya na lumobo ng 17 beses ang kaso ng virus sa labas ng China. Sa ngayon, nasa 97,000 tao na ang tinamaan ng coronavirus habang 3,300 naman ang nasawi.

“This is not a drill. This is not the time to give up. This is not a time for excuses. This is a time for pulling out all the stops. Countries have been planning for scenarios like this for decades. Now is the time to act on those plans,” saad ni Ghebreyesus.

Iba’t ibang patakaran naman ang ipinatutupad ng mga bansa alinsunod na rin sa panawagan ng WHO.

Sa Italy, kung saan pinaniniwalaan na sentro ng outbreak sa Europe, ipinag-utos ang pagsasara ng mga paaralan sa loob ng 10 araw habang hindi naman pinapayagan ang mga sports fans na pumasok sa stadium hanggang Abril 3.

Sa bagong government decree sa naturang bansa na epektibo ngayong araw ay hinihikayat ang lahat ng mamamayan na panatilihin ang 1 meter (3 feet) na distansya mula sa isa’t isa.

Pinagbabawal na rin muna ang pagbisita sa mga nursing homes at maging ang paglabas ng matatanda sa kani-kanilang mga kabahayan kung hindi naman importante.