Kinumpirma ni Health Usec. Vergeire sa kakatapos na sa Disyembre na magsisimula ang Solidarity Trial o clinical trial ng World Health Organization (WHO) sa COVID-19 vaccines dito sa Pilipinas.
Ngayong linggo raw maglalabas ang WHO ng detalye tungkol sa trial sites at iba pang impormasyon ng isasagawang trials.
“Sa November kasi mag-uumpisa sila sa isang (country) site, then magfa-follow na yung iba’t-ibang clinical trials in the other countries, including Philippines in December. They have committed the announcement of sites and details this week.”
Noong nakaraang Biyernes nang magpulong ang dalawang tanggapan bilang bahagi ng steering committee sa isasagawang trials.
Magugunitang naglabas ng schedule ang WHO noong nakaraang buwan at sinabing sa huling linggo ng Oktubre lalakad ang trials ng mga bakuna sa bansa.
Hanggang sa ngayon ay wala pang inilalabas na listahan ng mga bakuna na gagamitin ang institusyon. Pero una nang sinabi ng DOH na apat na candidate vaccines ang posibleng mapili ng WHO.
SOLIDARITY THERAPEUTIC TRIALS
Bukod sa mga bakuna, napag-usapan din daw sa meeting ang mga isinasagawang clinical trials sa mga posibleng treatment drug sa coronavirus.
Ayon sa opisyal ipinahinto na ng WHO ang worldwide clinical trials sa gamot na interferon bilang treatment drug sa coronavirus.
“Nakita, base sa mga resulta ng clinical trial na hindi naman siya nakakapag-reduce ng mortality among COVID-19 patients. Yung gamot, hindi na-reach yung objecivity kung bakit siya sinusubukan para sa purpose na ‘yon.”
Ang natitira na lang na ginagamit ng WHO sa clinical trials ng mga gamot ay ang anti-Ebola drug na remdesivir.
Idinagdag naman daw ng institusyon ang kilalang medication sa sakit na lymphoma, na Acalabrutinib; at monoclonal antibody bilang mga bagong pag-aaralan na treatment sa COVID-19.
“Isasama na ‘yan dito sa pag-aaral ng WHO or clinical trial.” (Remdesivir) pinatuloy pa rin, they would want more information, data and accurate findings para masuportahan yung mga inisyal na resulta.”