Sinimulan na ng grupo ng mga eksperto mula World Health Organization (WHO) ang pag-iimbestiga sa tunay na pinagmulan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Wuhan, China.

Binisita ng mga ito ang Huanan seafood market kung saan naitala ang unang clusters ng nakamamatay na virus halos isang taon na ang nakararaan. Ipinasara ang nasabing palengke noong Enero 2020.

-- Advertisement --

Layunin ng mga eksperto na alamin kung papaano lumipat ang virus mula sa hayup papunta sa mga tao.

Ayon sa mga opisyal mula WHO, hindi raw sila umaasang mahahanap ng grupo ang pinagmulan ng virus na pumatay sa halos dalawang milyong katao sa buong mundo at naging dahilan kung bakit naghingalo ang ekonomiya ng maraming bansa.

Magugunita na isinisi ng mga Chinese officials sa pagbebenta ng mga wild animals ang dahilan sa likod ng mabilis na pagkalat ng coronavirus. Karamihan kasi sa mga palengke sa China ay nagbebenta ng mga exotic wildlife tulad ng civet, ahas, aso at paniki.