Nagbabala ang World Health Organization (WHO) na maaring mas humaba pa ang krisis na kinakaharap ng buong mundo dulot ng coronavirus disease.
Ito’y makaraang magpulong ang emergency committee ng naturang international body upang talakayin ang pandemic.
Naging sentro ng kanilang pag-uusap ang mas mahaba pang panahon na itatagal ng COVID-19 at nagbabala tungkol sa “response fatigue” dahil sa dinadanas na socioeconomic pressures ng mga bansa.
“[The] WHO continues to assess the global risk level of COVID-19 to be very high,” saad ng WHO sa isang pahayag.
Halos 680,000 katao na ang namatay dahil sa deadly virus habang umabot na ng 17.6 milyon ang dinapuan ng sakit simula ng umusbong ang outbreak sa China noong Disyembre 2019.
Dahil dito ay nagpatupad ang ilang bansa ng lockdown para kontrolin ang pagkalat ng virus na siya ring naging dahilan upang sumadsad ang kanilang ekonomiya.
Parehong araw-araw na nakararanas ang India at Pilipinas ng pagtaas ng kaso sa kabila ng mga pinapatupad na health protocols.
Hinikayat naman ng WHO emergency committee ang world body na magbigay ng mas maayos na guidance ng COVID-19 management upang kahit papaano ay makaiwas sa response fatigue.
Dagdag pa ng panel na kailangang suportahan ng WHO ang mga bansa bilang paghahanda sa rollout ng posibleng coronaviurs vaccines.
Dapat din umanong pagbutihin pa ng WHO ang ginagawang research sa mga hindi pa malinaw na impormasyon tungkol sa virus tulad ng animal source ng sakitr at potential animal reservoirs.
Nakatakdang muling magpulong ang komite sa susunod na tatlong buwan.