GENEVA, Switzerland – Pinaalalahanan ng World Health Organization (WHO) ang mga bansa na panatilihin ang ilan sa ipinatutupad nilang paghihigpit kaugnay ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Ayon kay WHO director general Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus, maaaring lumala ang sitwasyon kung hindi mag-iingat ang bawat gobyerno sa pagbubukas ng kani-kanilang ekonomiya.
“(WHO) fully supports efforts to re-open economies and societies… but we want to see it done safely.”
Batid daw ng UN health agency na pagod na ang mga tao dahil sa iba’t-ibang panuntunan para hindi kumalat ang virus, pero dapat maintindihan ng mga pamahalaan na kaligtasan pa rin ang pananatilihing prayoridad.
“We want to see children returning to school and people returning to work places, but we want to see it done safely.”
Payo ni Dr. Ghebreyesus, kung talagang seryoso ang mga bansa na balansehin ang ekonomiya at kaligtasan ng kanilang mamamayan ay dapat nilang harangin ang malalaking pagtitipon.
Tulad daw ng pagsasama-sama ng sports fans sa mga stadium, religious gatherings, at entertainment clubs.
“Avoid these amplifying events so that the other economic sectors can actually open up and the economy can go back into life,” ayon sa WHO chief.
“I think we can live without going to the stadium.”(Reuters/AFP)