-- Advertisements --

Nagbabala ang World Health Organization(WHO) ukol sa lalo pang pagkalat ng bird flu virus, kasama na ang pagkakalipat nito sa mga tao.

Ito ay matapos ipresenta ng WHO ang umanoy labis na pagtaas sa bilang ng mga bird flu outbreak sa mga nakalipas na taon.

Kinabibilangan ito ng sunod-sunod na outbreak sa Europe, North America at South America kung saan milyon-milyong mga manok at iba pang uri ng ibon ang pinatay o isinailalim sa culling operation.

Dahil dito, nangangamba ang mga eksperto ng World Health Organition na ang labis na pagkalat ng bird flu virus sa mga ibon na malapit sa mga tao, ay magiging daan upang mailipat ang nasabing virus sa mga tao, at iba pang mga hayop.

Ang pagkakalipat ng bird flu ay una nang naitala sa ilang mga bansa, at nangangamba ang mga eksperto na magdadala din ito ng iba pang uri ng virus na sa kasalukuyan ay hindi pa natutukoy.

Sa kasalukuyan, sinabi ng WHO na mayroon nang outbreak sa 26 na uri ng mga hayop sa buong mundo. Kinabibilangan ito ng mga mink sa Spain, sealion sa Chile, at mga pusa sa Poland.

Babala ng WHO na mataas ang maidudulot na mortality ng Bird Flu, oras na nailipat ito sa mga tao.