Nagbabala ngayon ang World Health Organization sa posibilidad ng pagtaas ng mga kaso ng mga sakit sa Gaza City sa gitna ng nagpapatuloy digmaan sa pagitan ng Israeli Defense Forces at Hamas militants sa nasabing lugar.
Ito ay kasunod ng pagpapahayag ng pagkabahala ngayon ng WHO hinggil sa mga banta sa kalusugan na maaaring idulot ng mga air bombardment na ginagawa ng Israeli Defense Forces na nakapinsala sa health system at iba pa sa lugar.
Sa isang statement ay ipinunto nito na kasabay ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Gaza City ay ang pagpapatuloy din ng pagtaas ng death toll at bilang ng mga sugatang biktima.
Dahil din anila rito ay mas tumindi rin ang hostilities, at overcrowding, habang nagambala rin ang health, water, at sanitation system sa lugar na maaaring pagmulan ng mabilis na pagkalat ng infectious diseases.
Ayon pa sa WHO, sa ngayon ay nasa mahigit 33,551 na mga kaso na ng diarrhea ang naitala sa lugar mula pa noong buwan ng Oktubre na kinabibilangan pa ng mga batang may edad na limang taong gulang pababa.
Dahil dito ay patuloy ang ginagawang panawagan ng nasabing health organization na tuldukan na ang umiigting na kaguluhan sa pagitan ng Israeli Defense Forces at militanteng grupong Hamas.