GENEVA, Switzerland – Umapela ang World Health Organization (WHO) sa pamahalaan ng mga estado na tutukan din ang lagay ng mga healthcare workers na palaging exposed sa mga kaso ng COVID-19.

Ayon sa WHO, isa mula sa pitong kaso ng coronavirus disease na inirereport sa kanila ay mula sa hanay ng medical frontliners.

“Globally around 14% of COVID cases reported to the WHO are among health workers and in some countries it’s as much as 35%,” ani WHO director-general Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus.

Panawagan ng international organization, tiyaking nakakatanggap ng protective equipment ang healthcare workers para hindi sila mahawaan ng sakit, pati ang kanilang pamilya.

“It’s not just the risk of infection. Every day, health workers are exposed to stress, burnout, stigma, discrimination and even violence.”

Ayon sa opisyal, responsibilidad ng mga pamahalaan na tiyaking ligtas at maayos ang lagay ng kanilang mga healthcare workers.

Dito sa Pilipinas, pumalo na sa 8,764 ang bilang ng frontliners mula sa medical sector ang tinamaan ng COVID-19. Ang 58 sa kanila ay pumanaw na dahil sa sakit.(Reuters/AFP)