-- Advertisements --

ILOILO CITY – Panibagong mga pangalan ang ibinunyag ng self-confessed former rebel at ngayon ay government whistleblower na si Jeffrey Celis kaugnay sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Celis na nagpakilalang si Ka Eric Almendras, sinabi nito na recruiters ng mga rebelde sina Atty. Joebert Pahilga ng Sentro Para sa Tunay na Repormang Agraryo at si Atty. Pet Melliza na sinasabing nagtatrabaho sa Iloilo Provincial Government.

Sinabi rin ni Celis na recruiter din ng CPP ang nagngangalang Reyland Vergara ng Karapatan-Panay.

Ayon kay Celis, dalawang beses sinubukan ni Vergara na mag-‘secret surrender’ ngunit takot ito kaya hindi natuloy.

Inamin naman ni Celis na nakatanggap siya at ang kanyang pamilya ng panghaharass mula sa nasabing mga personalidad.

Bukas naman ang himpilan ng Bombo Radyo para sa paglilinaw at paliwanag ng mga nabanggit n indibidwal.