Edwin Roberto at Liezel Santos

Nais ngayon ng dalawang whistle blower sa anomalya sa Wellmed Dialysis Center na mapasailalim na rin sa witness protection program (WPP) ng Department of Justice (DoJ) matapos dumulog sa National Bureau of Investigation (NBI).

Ayon kay Edwin Roberto, dating assistant manager ng Wellmed at Liezel Santos, cashier at dating Philhealth officer na nakabase sa Wellmed, nakakatanggap na raw kasi sila ng banta mula mismo sa isa sa mga may-ari ng dialysis center na si Doctor Bryan Sy.

Sinabi ng dalawa na handa raw silang makipagtulungan sa pamahalaan para mapanagot ang nasa likod ng kontrobersiya.

Mayroon daw silang mga testigo at mga dokumento na magpapatunay sa kalokohan ng Wellmed lalo na sa isyu ng ghost dialysis patients.

Aminado naman si Santos na siya mismo ang namemeke sa pirma ng mga ghost patients pero dahil na rin sa Direktiba ni Sy.