-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Namatay ang isang tsuper ng motorsiklo matapos na bumangga sa tanker sa kahabaan ng Maharlika Highway na nasasakupan ng Brgy. Mabini, Santiago City

Ang nasawing tsuper ay si Benjamin Balboa, 29 anyos, binata, welder at residente ng Purok 1, Turod, Reina Mercedes.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Silvester Rocky Balboa kapatid ng nasawing tsuper , sinabi niya na nagulat sila sa pangyayari.

Aniya madalas na pagkagaling sa trabaho ay dumidiretso namang umuwi sa kaniyang bahay ang kaniyang kapatid subalit may mga pagkakataon na inaaya itong mag-joy ride ng kaniyang mga kaibigan.

Dahil dito ay hindi na nila hinintay na makauwi ito kagabi subalit nagulat sila ng makatanggap ng masamang balita.

Hindi naman aniya tiyak kung may nakainuman pa ang kaniyang katapid bago naganap ang aksidente dahil hindi naman ito madalas na umiinom subalit batay sa pahayag ng Driver ng Tanker na si Romeo Sacramed Valdez,47 anyos at residente ng Cullangan, Sanchez Mira, Cagayan na may sinusundan pang dalawang motorsiklo ang biktima bago bumangga sa tanker.

Nanawagan ngayon si Ginoong Silvester sa mga kasamang kaibigan ng kaniyang kapatid bago naaksidente na makipag tulungan upang malinawan ang ilang detalye sa pangyayari.

Mula sa Bayan ng Alicia ang tanker at patungo sa City Proper habang ang motorsiklo ay mula naman sa city proper at patungo sa Batal, Santiago City.

Umagaw ng linya ang tanker at nabangga ang paparating na motorsiklo.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga ay nagtamo ng malalang sugat sa kanyang ulo ang biktima.

Dinala pa ito sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.