Mas magiging malakas na ang anti-submarine capability ng Philippine Navy sa pagdating ng bagong refurbished na PS 39 ang BRP Conrado Yap.
Ang nasabing warship ay may dalawang 76-millimeter oto melara, dalawang 40-mm otobreda guns, anti-aircraft guns, anti-surface, anti-submarine, at anti-air warfare capabilities.
Equipped din ito ng dalawang gas turbines para sa speed o bilis nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Philippine Navy Flag-Officer-in-Command Vice Admiral Robert Empedrad, kaniyang sinabi na ang PS 39 ang pinakamalakas na barko sa buong navy fleet at malaki ang impact nito sa capabilities ng Hukbong Pandagat.
Ibinida ni Empedrad na ang nasabing warship ay makakatagal ng 20 araw sa karagatan kaya malaking tulong ang PS-39 sa pagpapatrolya sa maritime waters ng bansa.
“Ito kasing barko natin siya na ngayon ang pinaka most powerful ship in the inventory of the Philippine Navy eh kung may bago kang barko siyempre malaki ang impact nito sa cability ng navy, itong barko na to makakatagal ito ng 20 days at sea so it will certainly help us in patrolling our maritime waters,” wika ni VAdm Empedrad sa panayam ng Bombo Radyo.
Aminado si Empedrad na “moral booster” din sa navy at buong Armed Forces of the Philippines ang pagdating ng pinakamalakas na warship ng bansa.
Itinuturing din nilang makasaysayan ngayong araw ang welcome ceremony para sa BRP Conrado Yap na nanggaling pa sa South Korea.
Ayon kay Empedrad, hindi lang ito pride ng Philippine Navy kundi ng buong Filipino.
Ang warship ay ipinangalan kay dating Army Capt. Conrado Yap na napatay noong kasagsagan ng Korean war na ginawaran ng medal of valor.
Sa kabilang dako, ibunyag ni Empedrad na habang pauwi ng Pilipinas ang BRP Conrado Yap ay isang Chinese Frigate ang aaligid dito pero nang sinabi ng PS39 na sila ay papasok na sa teritoryo ng Pilipinas ay umalis na ito.
“Kung minsan nasunod sila eh gaya nung umuwi itong BRP Conrado Yap natin merong nag sa shadow na Chinese Frigate pero nang sinabi ng barko natin na we are now entering our territorial waters umalis din sila,” ani ni Empedrad.
Inihayag ng navy chief na hindi mag-aatubiling balaan ng mga barko ng Philippine Navy ang anumang vessel- Chinese man ito o sa ibang bansa sa sandaling makita ang mga ito na lumalayag sa karagatan ng Pilipinas.