CAGAYAN DE ORO CITY – Pinagpaliwanag ng committee of the whole ng city council ng Cagayan de Oro ang mga nasa likod ng 30 years bulk water contract na direktang nagsu-suplay ng tubig sa residential at commercial areas ng lungsod.
Kasunod ito sa unang pagpapatawag ng konseho epekto nang pagbabanta ng Metro Pacific Water ng Pangilinan Group of Companies na puputulan nila ng water supply ang Cagayan de Oro Water District (COWD) kung hindi mabayaran ang halos kalahating bilyong piso na payables sa darating na katapusan ng Marso nitong taon.
Kabilang sa mga nagisa ng husto ay ang senior legal counsel ng kompanya na si Atty. Roberto Rodrigo kung bakit nasa kontrata na kada-lipas ng tatlong taon ay otomatikong magpataw sila ng rate adjustments sa water purchase na bibilhin ng COWD na dini-distribute naman sa mga taga-syudad.
Iginiit kasi ni Rodrigo na ikinalungkot rin nila na humantong sa desisyon na puputulin ang pagsu-suplay ng tubig sa COWD dahil hindi umano sumusunod sa napagkasunduan na kontrata.
Subalit paliwanag naman ni COWD General Manager Engr. Antonio Young na kahit ang Metropac ay hindi rin tumugon sa kontrata dahil nakasaad sa Bayanihan Act na wala munang anumang pagtataas presyo kung nahaharap ng malaking sakuna katulad ng pandemya na dala COVID-19 dahil bagsak ang ekonomiya.
Depensa naman ng kompanya na hindi sila kumbinsido sa basehang ito kaya itinuloy nila ang water rate increases dahilan na lalong nalubog sa utang ang COWD.
Kaugnay nito,hindi rin direktang makasagot ang Metropac na nasa likod ng joint venture contract kung nasunod nila ang ibang mga probisyon ng kontrata katulad na ng pagturn-over ng ilang pasilidad para sa COWD operations.