Pinaiimbestigahan sa Kamara ng pitong kongresista ang umano’y warrantless arrest sa dalawang Muslim trades sa Manila na ayon sa mga pulis ay pawang mga drug suspects.
Sa kanilang inihaing House Resolution No. 981, hiniling nila Deputy Speaker Mujiv Hataman at anim na iba pang Muslim solons sa Committees on Public Order and Safety at Muslim Affairs na imbestigahan ang pag-aresto kina Saadudin Alawiya at Abdullah Maute noong Hunyo 12 matapos na halughugin ng Manila Police District Station 5 ang kanilang bahay na walang dalang court orders.
“The primary objective of this probe is to get to the bottom of what happened in the afternoon of June 12 in the residence of the two Muslim traders, get the side of the police, find out if there was really abuse of authority, and study if there is a need for legislation to address an injustice,” ani Hataman.
“Madalas kasi mangyari ang pang-aabuso ng ilan sa ating mga kapulisan, lalo na sa ating mga kapatid na Muslim. At mas lalong nakababahala ito dahil sa napipintong pagsasabatas ng Anti-Terrorism Bill na sa tingin ko ay open na open sa pang-aabuso ng mga magpapatupad nito,” dagdag pa nito.
Isa si Hataman sa mga kongresistang tumutol sa anti-terrorism bill nang ito ay tinatalakay sa Kamara.
Iginiit niya na ang pagbibigay ng kapangyarihan sa mga law enforcers na magsagawa ng warrantless searches at arrests ay magreresulta lamang sa pang-aabuso at maling paggamit ng otoridad na iginawad sa kanila ng panukala.
Ang pagkaka-aresto aniya ng dalawang Muslim traders noong Hunyo 12 ay halimbawa na rito sapagkat makikita aniya na hindi sinunod ng mg apulis ang due process at standard protocols sa pagsasagawa ng isang operasyon.
“Ito sana ang gusto nating maiwasan sa kahit na anong polisiya, ang pagmamalabis sa kapangyarihan ng mga nagpapatupad ng batas, lalo na sa mga kapatid nating Muslim na kadalasan ay biktima ng diskriminasyon at profiling,” giit ni Hataman.