-- Advertisements --

Posibleng iisyu ang warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) sa Setyembre ayon kay retired Supreme Court Justice Antonio Carpio.

Tinutukoy ng dating mahistrado ang imbestigasyon ng ICC kaugnay sa war on drugs ng nakalipas na Duterte administration.

Sa isang panayam, sinabi ng dating mahistrado na sa kaniyang palagay malapit na ang araw ng pagtutuos dahil base sa kaniyang naririnig ay maiisyu na ang arrest warrant sa susunod na buwan.

Saad pa nito na ang imbestigasyon ng ICC prosecutor sa brutal na kampaniya kontra sa ilegal na droga ay umabot na sa mahalagang punto.

Hindi naman binanggit ni Carpio ang kaniyang sources kaugnay sa posibleng pag-isyu na ng ICC ng arrest warrant.

Matatandaan na nauna ng pinalutang ni dating Senator Antonio Trillanes IV na nakatitiyak itong mailalabas na ang arrest warrants ngayong taon. Ang dating Senador nga ang isa sa mga naghain ng reklamo sa ICC kaugnay sa drug war killings sa bansa sa ilalim ng nagdaang administrasyon.