Walang plano ang Pambansang Pulisya na itigil o magpahinga sa giyera kontra droga kahit Semana Santa.

Ito ang binigyang-diin ni PNP chief police Director General Ronald Dela Rosa sa gitna ng pangamba na baka samantalahin ng mga drug lords ang pag-operate sa Holy Week dahil nakatutok ang kanilang hanay sa Oplan Sumvac o summer vacation.

Giit ni Dela Rosa na tuloy-tuloy lang ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga at hindi nila ito ihihinto kahit panahon ito ng pagninilaynilay.

Kaugnay nito, kanyang ipinagmalaki na isang buwan makalipas nilang ilunsad ang Oplan Double Barrel Alpha Reloaded ay malaki ang ibinaba ng napatay ng kanilang hanay.

Sa ngayon ay nasa 107 pa lang ang napapatay ng mga pulis sa lehitimong police operations at kung imu-multiply ito sa Double Barrel Alpha 1 na tumagal ng walong buwan, ay magiging katumbas lamang ito ng 749 na patay.

Mas mababa umano ito ng malaking porsyento kumpara noong nakalipas nila na kampanya kung saan nasa 2,602 na patay ang kanilang naitala sa loob ng walong buwan.

Ito ay marahil mas konti na lamang ang mga drug susects na nanlalaban at nagiging banta sa pulis kung kaya bumaba ang naturang bilang.

Sa ngayon nasa 4,973 na police operations na ang nagawa ng PNP at nagresulta ito sa pagkakaaresto ng 7,940 na tao at pagsuko ng 71,620 na indibidwal.