Nilinaw ng Department of Health (DOH) na walang “social media blackout” sa mga returning OFWs, matapos lumutang ang ulat na may ipinatutupad na house rules ang Bureau of Quarantine.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, nakausap na nila ang BOQ hinggil sa issue at mariing itinanggi ang reklamo.
“Ang Bureau of Quarantine na house rules na sinasabi na walang social media, nung tinanong ko naman sila hindi naman daw totoo iyan. So I don’t know kung saan galing ‘yung papel.”
“Nakita ko rin ‘yan sa isang Viber post na nakalagay na parang bawal ang social media posts, bawal magpainterview. Siguro ‘yung interview pa kasi paano naman din ayaw lang natin na magkakaroon tayo ng miscommunication.”
“Siguro yung interview (sa media ang bawal) because ayaw lang natin na nagkakaroon tayo ng miscommunication. Pero yung mga social media post, I doubt it. Noong tinanong ko sila (BOQ), it’s not part of their protocols. Baka lang miscommunication.”
Ipinapasa na raw ng DOH ang bola sa nasabing tanggapan ang pagpapaliwanag sa nasabing issue.
Noong Abril nang lumutang ang sinasabing house rules na nilabas ng BOQ sa mga pasilidad kung saan naka-quarantine ang mga OFW. Kabilang na raw ang pagbabawal sa paggamit ng social media.
Wala pang statement ang Bureau of Quarantine hinggil dito.