-- Advertisements --

Malamig si Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde na suportahan ang isinusulong na Sexual Orientation and Gender Identity and Equality o SOGIE Bill na nagbibigay parusa para sa mga nagdi-discriminate sa LGBT (lesbian gay bisexual transgender) community.

Dahilan ni Albayalde, magiging sanhi lamang ito sa mas marami pang demand mula sa iba pang indibidwal o grupo na posibleng hihilingin din ang kanilang karapatan.

Ayon sa PNP chief, may sapat na proteksyon na para sa lahat ng mamayan ang Konstitusyon kaya sa kanyang palagay ay hindi na dapat gumawa ng batas na para lang sa iisang tao o sa iisang grupo.

Ang SOGIE Bill na isinusulong ni Sen. Risa Hontiveros ay nagpapataw ng multang mula P100 hanggang P500,000 o pagkakulong ng anim hanggang 12 taon sa sinomang mag-discriminate sa mga miyembro ng LGBT.

Naging mainit ang usapin dahil sa kaso ng transgender na si Gretchen Diez na
pinagbawalang gamitin ang ladies washroom sa isang mall matapos na ireklamo ng ilang babaeng gumagamit ng washroom na hindi umano ito tunay na babae.

Bong Go LGBTQ Gretchen Diez

Dagdag ni Albayalde, sa kanyang pananaw, kung ang ari ng isang tao ay panlalaki, doon dapat siya sa comfort room na para rin sa mga kalalakihan.

Nilinaw naman nito na hindi naman nila dini-discriminate ang mga nasa LGBT community pero dapat sumunod ang mga ito sa batas.