Inihayag ng DFA na walang Pilipinong naiulat na nasaktan matapos maglunsad ng airstrike ang Israel sa isang refugee camp sa Gaza.
Ito ay habang hinihintay ng mga Pinoy ang pagbubukas ng tawiran sa Rafah upang makalipat sa mas ligtas na lugar.
Sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na 10 sa 136 na Pilipino sa Gaza ang hindi pa makontak habang ang iba ay kumpirmadong ligtas na.
Ang airstrike sa Jabalya refugee camp sa hilagang Gaza ay iniulat na pumatay ng halos 50 katao, kabilang si Ibrahim Biari na sinabi ng Israel Defense Forces na isa sa mga kumander ng Hamas na responsable sa pag-atake noong Oktubre 7 sa Jewish state.
Sa Rafah border, naghihintay pa rin ang 57 Pinoy na magbukas ito para makapasok sa Egypt.
Bumaba ang bilang mula sa 78 habang ang ilan ay umalis dahil sa mahirap na kondisyon ng pamumuhay malapit sa hangganan.
Una nang sinabi ng opisyal ng DFA na may pagkain ang mga Pilipino na nasa lugar ngunit hindi sila sigurado kung tatagal pa ang kanilang supply.