Walang Pilipino sa Syria ang naiulat na nasugatan o namatay sa 7.8-magnitude na lindol na tumama malapit sa hangganan ng Turkey at Syria ayon sa mga nakalap na impormasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA)
Ayon sa tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs (DFA) na si Ma. Teresita Daza, iniulat ng Embahada ng Pilipinas sa Damascus na ang mga pinuno ng komunidad ng mga Pilipino ay nakipag-ugnayan at kinumpirma nila na walang Pilipinong nasugatan matapos ang malakas na pagyanig.
Batay sa pinakahuling datos ng departamento, may humigit-kumulang 60 Pilipino sa mga lugar ang naapektuhan ng lindol sa Syria, kabilang ang Aleppo, Latakia, Tartous, at Hama.
Dagdag dito, wala umano sa 248 na Pilipino sa mga apektadong lalawigan ng Turkey ang nasaktan din o nasugatan sa naganap na lindol.
Kaugnay niyan, nakikiramay naman si Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo sa mga naulilang pamilya ng mga biktimang nasawi sa mga pagyanig.
Aniya, ang mga Embahada ng Pilipinas sa Syria at Turkey ay patuloy na susubaybayan ang sitwasyon at makikipag-ugnayan sa mga komunidad ng Pilipino sa kanilang mga nasasakupan.
Una na rito, mahigit 4,000 na ang nasawi sa Turkey at Syria na dulot ng naturang 7.8 magnitude na lindol.