Nakumpirma sa isinagawang assessment ng personnel ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na walang nakitang bakas ng sunog sa mga kable ng kuryente sa taas ng tren.
Ito ay kasunod nang nangyaring sunog sa isang bus sa southbound lane ng EDSA Carousel sa pagitan ng Ortigas at Santolan stations gabi ngayong Biyernes, Abril 24, na nagdulot ng maitim na usok sa lugar.
Sa inilabas na abiso, nagresulta ang sunog sa pagkaantala ng mga operasyon ng MRT-3 kaninang alas-sais trenta ng gabi.
Agad naman na nagtungo sa site at inapula ng mga bumbero ang sunog habang nagsagawa naman ang personnel ng MRT-3 ng mainline assessment sa epekto ng sunog sa insidente.
Bandang alas-sais singkwenta ng gabi, nagbalik operasyon ang MRT-3.
Humingi naman ng paumanhin ang pamunuan ng tren sa idinulot na abala ng insidente sa mga pasahero at nagpasalamat sa pang-unawa.











