Nakukulangan si Marawi Crisis Management Committe (CMC) spokesperson Assemblyman Zia Alonto Adiong sa talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) kahapon.

Ito’y kahit tiniyak ng Pangulo na maglalaan ang pamahalaan ng malaking pondo para sa rehabilitasyon ng Marawi na kukunin sa lawsuit na ibabayad ng Mighty Corporation.

Dapat aniya na ang gagamiting pondo sa rehabilitasyon ng Marawi ay kabilang sa General Appropriation Act at hindi ia-outsource sa iba gaya ng lawsuit.

Giit ng tagapagsalita ng CMC ng Marawi, dapat maging priority ng pamahalaan ang pondo sa rehabilitasyon ng Marawi.

Isa rin sa gusto sanang marinig ni Alonto sa pangulo ay kung paano i-handle ang nasa 500,000 na internally displaced persons (IDPs) ng Marawi na kanilang problema dahil ang iba ay gusto ng bumalik sa kani-kanilang tahanan.

-- Advertisement --

Aminado si Adiong na problema talaga nila ang paghawak sa IDPs na dapat talagang bigyan ng pansin upang maiwasan na makakuha pa ng simpatiya ang terrorist group sa kanila.

Sa ngayon hindi pa matantiya kung magkano ang total damage sa Marawi dahil hindi pa tapos ang labanan.

Sa kabilang dako, sinabi ni Adiong na sana ay binasa ng pangulo ng buo ang kaniyang talumpati upang mabatid ang mga dapat malaman ng publiko.

Baka raw kasi dahil sa mga ad-lib ng pangulo ay hindi na nito natalakay ang kaniyang mga iba pang dapat talagang sabihin lalo na sa isyu sa Mindanao, gayundin sa peace process at isyu sa Marawi, Lanao del Sur.