-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Dalawa na namang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang sumuko sa tropa ng militar sa headquarters ng 7th Infantry (TAPAT) Battalion sa Brgy Kalawag II, Isulan, Sultan Kudarat.

Ayon kay 7IB commanding officer, Lt. Col. Romel Valencia ang dalawang mga dating rebelde ay kapwa mga kasapi ng My Phone Platoon, East Daguma Front ng Far South Mindanao Region sa ilalim ng pamunuan ni Arthuro Arsigan alias Macmac.

Kasama sa mga isinuko ng dalawang mga dating NPA na hindi pinangalanan para sa kanilang seguridad ang bitbit nilang armas na dalawang M1 garand (Springfield) converted M14 rifle.

“Hindi na namin kaya ang matinding gutom at pagod dahil sa patuloy na pagtugis sa amin ng mga sundalo,” wika ni alias Jonathan, isa sa mga sumukong NPA.

“Takot akong mamatay, hindi namin kaya ang pwersa ng mga sundalo, kaya napagdesisyonan naming sumuko na para makapagbagong buhay ngayong 2021,” giit ni alyas Umpak.

Sinabi ni 6th Infantry (KAMPILAN) Division at Joint Task Force Central commander, M/Gen. Juvymax Uy na ang pagsuko ng dalawa ay bunsod ng nagpapatuloy na military operations at air strikes ng tropa ng pamahalaan sa mga kuta ng rebelde.

“Nananawagan ako sa natitira pang mga rebelde na magbalik loob na sa gobyerno, handa kaming tutulong sa inyo upang makabalik kayo ng maayos sa inyong pamilya at makapagbagong buhay,” pahayag pa ni Maj. Gen. Uy.