Patuloy na inaalam ng Pasig City Disaster Risk Reduction and Management Council kung ilan pa sa mga biktima ng food poisoning kahapon ang naka-confine pa rin sa mga pagamutan.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Bryant Wong, acting head ng Pasig CDRRMO na tuloy tuloy ang koordinasyon ng tanggapan sa mga ahensya ng pamahalaan at biktimang nakauwi at nananatili pa rin sa ospital.
Kaugnay nito nilinaw ni Wong na inaalam din nila kung may mga nasa kritikal na kondisyon.
Sa ngayon kasi ay hindi pa raw naglalabas ng bulletin ang mga pagamutan kung may pasyenteng malala ang lagay.
“Sa investigation, the Pasig City Polic and also yung City Health Office ang in charge doon. Pagdating sa DRRMO, support lang sa insidente. Syempre under the incident command system, kailangan tumulong sa area,” ani Wong.
Tiniyak din ng opisyal ang pangako ng organizers at pamilya Marcos na tutulong sa gastusin ng mga biktima.
Maging ang lokal na pamahalaan ng Pasig ay nangako rin ng tulong.
Batay sa ulat nasa higit 50 ambulansya ang rumesponde kahapon matapos umanong malason ang ilan sa mga dumalo sa birthday celebration na inorganisa ng loyal supporters ni dating First Lady Imelda Marcos.
“We utilize all our resources during that time. We extend our assistance to them through response and also security at verification ng mga kamag-anak.”










