Maaari pa ring maging basehan ng impeachment ang mga ginawa ni Vice President Sara Duterte habang nagsilbi siyang kalihim ng Department of Education (DepEd).
Ayon kay Manila Rep. Bienvenido Abante, hindi maaaring ihiwalay ang pananagutan ni Duterte bilang vice president kahit ginawa niya ang mga nasabing hakbang noong siya ay nagsisilbing Education secretary.
“Isa lang ang utak na gumagana” kahit dalawang posisyon ang hawak, paliwanag ni Abante.
Kasama sa impeachment case ang mga alegasyon kaugnay ng paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at DepEd noong sabay na hawak ni Duterte ang dalawang posisyon.
Iginiit ni Abante na hindi awtomatikong ligtas sa impeachment scrutiny ang mga ginawa ni Duterte bilang Education secretary dahil vice president pa rin siya noong mga panahong iyon.
Ang isyu ay pinag-uusapan habang isinasaalang-alang ng House prosecution panel kung aalisin ang ilang alegasyon upang mapabilis ang impeachment proceedings.
Samantala, patuloy na sinusuri ng mga mambabatas ang mga iregularidad na iniulat ng state auditors sa paggamit at liquidation ng confidential funds ng OVP at DepEd.









